Tila isang ibon kung lumipad ang bansang Pilipinas, naghahanap ng makakasama sa himpapawid patungong langit upang makamit ang magandang kinabukasan. Pero ang tanong lang ay malaya nga ba tayo o mapasahanggang ngayon ay nasa loob tayo ng kulungan at di magawang makalaya sa matinding pagkapit sa atin ng mga nasa itaas? Sa pagkakaalala ko, ang ibon ay sumisimbolo sa kalayaan na kung saan hanggang ngayon ay hinahanap-hanap pa rin natin ang kalayaang iyon. Paano ko nasabi? Sapagkat hanggang ngayon, kahit wala na sa hawak ng ibang bansa, nasa kamay naman tayo ng ating gobyerno at kung tutuusin di pa rin nagbabago ang takbo at pamamalakad ng gobyerno sa ating bansa.
Sa panahon ngayon, hindi pa rin nawawala ang iba’t-ibang klase ng social movements kung saan may mga pinaglalaban sila tulad ng mga rally o pag-aalsa. Dahil sa mga nagdaang rebolusyon sa ating bansa, hindi nawawala ang masasamang nangyayari sa mga kasapi ng rebolusyon tulad ng pagpapapatay sa kanila. Pero ano nga ba ang dahilan kung bakit pinapagawa ng gobyerno ito at di na lang tuparin ang nais ng mga nag-aalsa? Ito ay dahil sila ang may kapangyarihan, kapangyarihang gawin ang lahat mawala lang ang mga bagay na di sang-ayon sa kanilang kagustuhan at makamit ang ninanais para sa sarili at “bansa”.
Maihahalintulad ko rin iyan sa ibong nasa kulungan sapagkat para tayong ganun. Dahil kinukulong tayo upang di magawa ang mga bagay na makapagsisira sa kanilang imahe sa masa. Noon palang, masasabi na ang konsepto ng kalayaan ang pagiging malaya sa pang-araw-araw na pamumuhay ng mga tao kung saan malaya silang kumikilos hangga’t walang sinusuway na mga batas na pinatupad, malaya rin sila sa mga nais nilang sabihin, isulat, pagsabi ng opinyon at saloobin. AT higit sa lahat, malaya silang iboto ang nais nilang mamuno sa kanilang lugar.
Kung ating iisipin, sa kabila ng napakakulay na kasaysayan ng ating bansa, idagdag pa na tayo rin ang unang nakadama ng kalayaan sa Asya, tayo rin ang salat sa kahirapan at karangyaan. Madalas natin ito isisi sa pamahalaan, maling pamamalakad, at maling lider pero tayo rin naman ang nagluluklok sa kanila kung kaya’t may parte sa atin na kasalanan rin natin kung bakit di tayo nagiging malaya. Huwag tayo magpaka-utak talangka. Ang pag-unlad ay laging nagmumula sa kalayaan, malaya tayo kaya dapat dama natin ang pag-unlad. Nakalaya tayo dahil sa pagtutulungan kaya siguradong uunlad din tayo sa parehong paraan.